I CAN'T GET NO SATURATION
Sa kasalukuyan, tila lumalaki ang bilang ng mga taong gustong maging artista (as in artist; a person who has inclination for the arts) Di mo ba napapansin na sa halos lahat ng sulok sa bansa o kahit sa buong mundo, sa inyong pamilya, sa paaralan o sa komunidad, ang daming gustong maging artista (as in actor/actress na mas laganap sa uring teeny bopper), direktor ng pelikula, manunulat, photographer, musikero - mga mangaawit, tagatugtog ng anumang instrumento o ang pinakapopular na kategorya na mga nagrarakrakang banda, maging ang pagiging (top) modelo o kaya naman tagadisenyo ng mga damit? Nakapagtatakang isipin na lahat ng mga taong ito ay sadyang biniyayaan ng Panginoon ng angking talento sa iba't ibang larangang nabanggit. Siya nga ba? O hindi kaya dahil sa mga pag-unlad sa iba't ibang aspeto ng pamumuhay, tila nagkakaroon ang mga kabataan sa kasalukuyan ng isang panahon ng ilusyon. Ang tinutukoy kong maaaring isang malaking dahilan kung bakit marami sa atin ngayon ang tila naeenganyong pasukin ang mga trabahong nabanggit ay ang palakas nang palakas na di mapigilang pagbabad sa media. Sa kasalukuyan, tila halos punung-puno na ang telebisyon ng mga walang kamatayang reality show gaya ng mga talent search na kung anu-ano na yatang mga larangan ang pinasok. Dahil din sa exposure ng mga kabataan ngayon sa iba't ibang uri ng media, tila nagkakaroon tayo ng motivation na kaya natin ang ginagawa nila (sapagkat mayroon tayong kani-kaniyang konsepto ng kung ano ang maganda at ano ang hindi; depende sa ating panlasa) at dahil sa alam na natin ang mga paraan kung paano pasukin ang mga larangang ito (sa pamamagitan ng mga karanasan ng mga taong naging matagumpay sa mga iba't ibang larangan na [malamang] napanood natin sa telebisyon o nabasa sa kung saan man [mapadiyaryo, magasin o blog]), tila malakas ang ating fighting spirit na pasukin ang larangan kung saan tayo 'napaibig'. Ito nga ba ang gustong gawin? May sapat na kakayanan ba? O isa nga lang kayang isang panahon ng ilusyon ang lahat ng ito? Maaaring similar ito sa kaso ng mga taong naengganyong maging nurse o noong mas maagang panahon - accountant (na alam naman natin kung ano talaga ang dahilan). Ito rin marahil ang napagdadaanan ng mga taong gustong maging doktor sapagkat adik na adik sila sa mga programang gaya ng Grey's Anatomy at House. Maging ako man, hindi ko makakaila ang posibilidad na ito nga maaari ang dahilan kung bakit gustong gusto kong pasukin ang mundo ng pelikula na sa sobrang babad ko sa larangang ito baka isa lamang talagang ilusyon ang umiiral sa aking isipan na 'THIS IS WHERE I BELONG'. Ang pinakamalungkot sa suliraning ito ay ang mga sumusunod na ubod nang nakalilitong mga katanungan - kelan titigil ang ilusyon at kung tumigil nga, ano naman ang kahihinatnan ng mga taong nalako ng malaking ilusyong ito?
0 Comments:
Post a Comment
<< Home