Sunday, August 28, 2005
KUBLI
“Many of us who walk to and fro upon our usual tasks are prisoners drawing mental maps of escape”

Kahapunan ng Linggo. Binuhusan ko ang aking sarili ng maligamgam na tubig. Maligamgam lagi ang aking panligo; ayoko ng sobrang malamig o sobrang init. Tamang tama lang ang maligamgam. Hinagod ko ang aking buhok; matigas ito dahil sa wax na nilalagay ko ngunit nang nabasa ito’y tila numipis. Kinuskos ko ito at nilagyan ng shampoo. Muli ay kinuskos ko ito at tinignan ko ang mga kamay ko - ang daming buhok. Anong ibig sabihin nito? Bat naglalagas ang buhok ko? Nakakalbo na ba ko? Sa loob ng sampung minuto ng aking pagligo, ilang ulit kong hinaplos ang aking bumbunan at tsaka tinignan ang aking mga kamay – ang daming buhok. Di na ko naglagay ng kung anuman sa buhok.

Ilang minuto na lang, ala sais y medya na; magsisimula na ang misa, malalate na naman kami, wala na namang upuan. Habang naglalakad kami patungo palabas, napansin kong napakagaan ng aking pagtindig na tila para bang ako’y lumulutang. Ngunit ang aking mata’y naluluha na kapansin-pansin kamakailan ang paulit ulit ng pangyayaring ito na di ko maipaliwanag. Pagdating sa labas ay kahina-hinala ang mabilis naming pagsakay patungo sa simbahan. May halos limang minuto na lamang ngunit himalang walang traffic at sa aming pagdating ay marami pang mga upuan.

Ang tagal bago nagsimula ng misa kaya nagkaroon ako ng pagkakataong magmasid sa aking kapaligiran. (Kahit naman nagmimisa eh ginagawa ko to) Nagvibrate ang cellphone ko ngunit di ko na tinangkang silipin ito dahil ayokong makagambala pa sa mata ng mga snatcher. Naalala ko si Ada dahil sa nakita kong bading na kumekerenkeng. Ngunit dahil sa aking kakabasang libro’y tila naintindihan ko ang kanyang kalagayan na ang pagpapapansin ang tangi nilang paraan para ikubli ang kanilang mga hinanakit at saloobin. Sa gilid ay nagsimula nang lumakad ang pari patungo sa pinakaentrance ng simbahan; napangiti ako nang makita ko siya dahil hindi siya yung pari na palaging pulitika ang ginagamit sa sermon o yung pari na tinatawag na Pakistani ng tito ko dahil sa paraan ng pagsasalita na hirap akong intindihin noon. Ngunit paglipas ng ilang minuto’y madidismaya ako dahil parang pinaghalo siya nung dalawang pari na aking binanggit kaya hindi ko napigilang gawin ang kadalasan kong nagagawa kapag di ko maintindihan o di ako sang-ayon sa pari – ang magmunimuni.

Nagsimulang umawit yung choir na parang recorded ang boses; yung parang mga singers ng Ilocano songs na pinakikinggan ng tito ko dati sa bahay. Magaling naman sila, saludo ako sa kakayahan nila kaso nga lang di ko gusto yung mga pinili nilang kantahin sa araw na iyon. Pero nakisabay pa rin ako sa pagkanta kasi catchy talaga yung style nila. Naalala ko tuloy yung mga madre sa Sister Act at sa isang bahagi, si Carrie Underwood. Napagisip-isip ko tuloy, pano kaya kahit one time lang, isang artista yung kumanta sa misa? Tiyak marami ang magsisimba nun di tulad ngayon kakaunti lang tila nakatanga pa.

Tinitigan ko ang pari habang ito’y nagsesermon; tila nagpapatawa siya dahil tumatawa siya habang nagsasalita habang ang iba’y walang kaimik-imik. Marahil ay di rin maintindihan ng iba ang sinasabi at pagsabi kaya walang reaksiyon ang mga ibang nagsisimba. Sa pagkakataong iyon ay naisip ko ang sinabi ng aking propesora sa English na ang sinumang magaling magsulat o magsalita ay magaling din dapat mangutya. Bigla dumako sa aking isipan – paano kaya kung magpari na lang ako? Kaya siguro umoonti ang nagsisimba ay dahil puro import na lang na pari na di nila maintindihan ang pananalita. O kung meron mang Pilipinong pari ay nakakaantok naman ang mga sinesermon nito. Eh kung ako kaya ang magpari at magsermon balang araw? Mahilig naman ako magsulat at magsalita. Pwede kaya? Wide-range naman ang ComTech at may nagtapos sa kursong iyon na naging pari! Pwede rin ako sigurong magturo at magsulat bilang sideline. Teka. Ngunit bago ko tuluyang isinubsob ang sarili sa isipang ito ay naalala ko tuloy ang sabi ng dati kong guro sa Values, mahal ang pagpapari. Bat nga ba di ko natanong ito noong ako’y may pagkakataon? Pano magiging mahal ang pagpapari eh wala namang kagarbuhan na dapat pagkagastusan di tulad ng ibang mga kurso? Napagisip-isip ko na lang na bahagi ito ng vow ng isang pari sa pagtatakwil ng anumang materyal na bagay at kayamanang kinagisnan. Tinitigan ko muli ang pari… Sabay pagsabi sa sarili, “Pwede rin naman ako magbigay serbisyo sa ibang pamamaraan…”

Binuhos ko na lang ang mga nalalabing oras sa aktibong partisipasyon sa misa sa pamamagitan ng pagkanta at pagsagot. Nginitian nga ako nung katabi kong ale nung magpeace. Di ko alam kung natatawa o natutuwa siya sa kin pero nginitian ko na rin. Nang magkomunyon ay tila napakagaan at napakaamo ng pakiramdam ko. Di na nagluluha ang mata ko. Nang matapos ang misa, madali kaming nagpunta sa sakayan. May nakita akong isang matandang ale na nakatungkod. Lumambot na naman ang aking puso; sadyang may kahinaan ako kapag nakakikita ng mga matatanda, ewan ko kung bakit. Sumakay na kami, pinauna ko na lang ang matanda at inalalayan. Ngumiti siya sa kin.

Nang makarating kami sa mall, tila nagiba ang aking pakiramdam. Di ko maipaliwanag kung anong nangyari pero nagiba ito di gaya nung maamo kong ugali kani-kanina lang. Tila naiirita ako. Pinaypayan pa ang pagliyab ng pagkairita ko nang makita ko yung babaeng masungit sa stall ng Pizza Hut, ng mga makukulit na bata na naghaharutan, at nung mataray na cashier sa Bench. Sa pagkakataong iyon ay wala akong maramdamang basa sa aking mga mata; nakakunot lamang ang aking noo. Naalala ko yung sermon ng pari tungkol sa ekonomiya habang nakatingin sa paligid. Nanikip ang pakiramdam ko at natahimik ako. Lumingon ako sa aking paligid at naisip ko ang pagluluha ng aking mata at ang paglalagas ng aking buhok.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home

The Stranger

Kram has moved!
Graffiti


Trails

Detours
Ady
Ais
Alexis
Angela
Bea
CA
Chally
Cheenee
Cheska
Chevs
Cid
Dereck
Ella
Ginj
Inna
Jan
Joy
Joyce
Justin
Kenneth
Kram
Krayola
Melissa
Michelle
Migs
MM
Nikko
Patrick
Rana
Reena
Rey
RJ
Smither
Zyon

Sponsor


Google Search


Credits
Brushes
Image Host
Photo